“BUENDIA” pa rin ang nakapaskil sa Bus na patungong Gil Puyat Avenue sa Makati. Matagal na ring bago ang pangalan ng mahabang lansangan. Bakit kaya ayaw nating kalimutan ang mga naka-ukit sa ating kinagawian? South Super Highway pa rin ang tawag natin sa kalyeng humahati sa Buendia bago dumating ng riles ng PNR. Gan’un din ang Lawton at Azcarraga at Forbes.
Kahapo’y naringgan ko ang MAPSAng si del Mundo na tinawag na Culi-Culi ang Evangelista. Malalim nga ‘ata ang liluk sa ating ala-ala ng mga lugar na ating nakagawian na o baka naman ayaw nating may maki-alam sa mga sulok-sulok ng mga silid ng ating ulo? Marahan ang batak ng aking sasakyan patungong Ayala.
Tumawag si Manny, ang katiwala ni Boss. Maraming utos si Boss na dapat nakatali sa likod ng memorya mo dahil ito’y mga lihim na hindi dapat malaman ng iba. Gan’un ang trabaho ko. Tagapagtago ng lihim katulad ng pari na walang ginawa kundi makinig sa mga nangungumpisal. Paulit-ulit gaya ng salitang binangguit ko. Sa dami rin naman ng mga lihim na ipinagkatiwala sa akin, gulat din ako kung karamihan dito’y nalilimutan ko na rin. Pa-apat na dekada na akong nagsasabaul ng mga lihim. Kaya kahit yaong baul ay naiisaisantabi ko na rin sa likod ng aking memorya.
May mga pagkakataong nananariwa ang mga lihim kapag may binangguit si Eloy ng mga pahaguing na kwento. Kaya tuloy ang tawag namin kay Eloy ay Boy Pahaguing lalo na kapag wala siyang pera.
Maaga pa naman, mag-aalas Nueve. Mainit-init ang araw dahil buwan ng Setyembre. Pagdating ko sa Kalye ng Batangas, sa kaliwa ay Filmore, apat na patong ang mga sasakyan sa harap ng traffic light. May jeep na humarurot sa kaliwa ko dahil mangilan-ngilan ang behikulo doon. Suminsay ang jeep sa hulihan ng pang-apat na patong at gumagawa na siya ng panglima. Tatlo naman ang humaguinit sa aking kanan at humanay sa jeep na galing sa kaliwa.
Maikli ang kanyang palda, mga limang pulgada mula sa tuhod. Hindi kataasan ang kanyang takong kaya’t para din siyang nakatikda. Mahaba ang kanyang mga binti at kinakandong niya ang kanyang bag. Matagal na ang ganitong nakasanayan kong tanawin. Kahit noong siyam na taon akong nagpaparoo’t-parito mula Sampaloc hanggang sa Diliman: ang babae sa likod ng jeep.
Hindi umalis ang manibela ko sa likod ng jeep, parang hinihilang ‘di ko mawari. Napalapit ako, kaya’t nabanaagan ko ang kanyang mukha. May nunal siya sa kanang bahagui ng kanyang pisngi. Hanggang balikat ang kanyang buhok at mapusyaw na itim ang kanyang suot. Kumakabig sa kaliwa ang kanyang mga binti kapag may bumababa subalit nananatili siya sa likod ng jeep. Ma-aaring hanggang Herrera o Paseo de Roxas lang siya. Dumating ng Pasong Tamo. May bumabang dalawang mama at nakipagtalo pa sa driver habang sila’y nakasulyap sa binti ng babae sa likod ng jeep.
Mabigat pa rin ang traffic kaya nakabuntot pa rin ako sa jeep. “Suerte,” ‘ika ko. Hindi mapaknit ang mata niya sa kanyang telepono. Maya-maya’y itinabi na niya ang teleponong hawak habang umu-usad ang jeep patungong Ayala. Gan’un din ang mata ko, ‘di mapaknit. Pero nahihiya ako dahil alam niya na sumusulyap ako sa kanyang mga binting ukupado ang ika-apat na bahagui ng labasan ng jeep sa hulihan nito. May taksing gumitguit sa akin mula sa kaliwa. “Naghahanap buhay ito,” ‘ika ko kaya pinagbigyan ko ng mauna sa akin.
Suspetsa ko’y may nagkasabitan bago dumating ng panukulang Kamagong-Ayala-Buendia kaya usad-pagong ang traffic. ”O baka naman ang babae sa likod ng jeep ang sanhi ng mabagal na usad ng traffic?” Nangiti ako sa pansarili kong biro. Madalas may kumakaliwa mula Ayala upang umiwas sa pagkaliwa sa dako ng Yakal dahil walang U-Turn sa tapat ng Istasyon ng Bumbero.
Mula sa kanto ng Ayala at Salcedo, nawala sa aking unahan ang jeep na aking sinusundan. Nagkibit-balikat ako at muli kong binaybay ang mga kanal ng aking memorya at ina-aninag ang mga namamangka doon ng hindi pa natatagalan. May naala-ala akong isa sa mga nagpapatago ng lihim at humihingi ng kalutasan ang naririmlan niyang landas na hindi raw niya alam kung saan ang patutunguhan. Kailangan daw niya ng kaunting panahon. “Binabaha tayo ng panahon sa mga panig na ito,” ‘ika ko. “Hindi mahirap gawin ‘yan,” dagdag ko.
Palapit na ako sa Herrera. Kakanan ako dahil ang kausap ko’y naghihintay na sa Dulcinea sa Greenbelt. Nagtext na at ika’y naroroon na siya at hawak na niya ang mainit na Churros con Chocolate. Napasulyap ako sa kaliwa at namataan ko ang babae sa likod ng jeep.
No comments:
Post a Comment