Saturday, February 16, 2013

stories in my head, part fourteen


"Sundalong Bahao"
SUNDALONG KANIN
Kababata ko si Menandro Tanteo.
Bag-as ang pangangatawan at maguilas kung kumilos. Sa aming mga larong kinaguiliwan, katulad ng Tubigan, Bimbiw at King Can lagui siyang nagwawagui. Subalit madalas na kapag Baril-barilan ang aming nilalaro, pinipili niya ang papel na sundalo. Sa isang pagkakataon na kami’y nag-ipon-ipon sa kanto ni Tatang Gavino, agad niyang iminungkahing Baril-barilan ang aming lalaruin. Kami’y nagtaka ng bigla siyang nawala nang kami’y magkanyakanya ng kumuha ng mga kahoy o sangang huguis baril o pistolang kuarenta-y-singko.
‘Di nalaunan siya’y humaguibis na dumating at may kandong kandong na ripleng kahoy na huguis Armalite.


“Inukit ko ito habang kami ni Tatay ay naglulukad sa Tabionan,” ika niyang nagmamalaki.
Magaling ang pagkaka-ukit ng riple. Mukhang gawa ng sinampalok at kampit na yanong talas. Bago kami naglaro’y ipinagpahimbi niya ito at kami nama’y nagpakita ng paghanga. Nagmartsa pa siya gamit ang ripleng isinampay niya sa kanyang matipunong balikat at guinagaya ang mga kadete ng PMT sa Quezon Central Institute.
Pasigaw siyang nagkukumand sa kanyang sarili: “Liko sa kaliwa, ta! Kaliwa-kanan, kaliwa-kanan.”
Aliw na aliw si Benildo Febrer at ang yumaong si Ding Camitan. Habang nagmamartsa si Menandro, umaawit naman ni Benildong pamartsa rin, “ako’y isang kawal, singko isang arao, ang baril ko pa ang baril ko pa, sisidlan ng ampao!” Dinagdagan pa ng taguring, “ay, iya si Menandro, sundalong kanin!”
Masamang tiningnan ni Menandro si Benildo at agad sumagot, “Edo Boy, darating ang araw ang Armalite ko’y walang ampao!”
Labing pitong taong gulang kami ng ideklara ang Martial Law.
Setyembre 23, 1972 noong kami ng aking ama ay uma-akyat sa overpass ng Raon sa Quezon Boulevard. Dahil sa dami ng uma-akyat, naulinigan ko ang mga sidewalk vendor sa gilid ngoverpass na nag-uusap na walang signal ang kanilang mga transistor radio simula pa ng madaling arao ng arao na yaon.
“Hindi kaya may diperensya ang radyo mo?” tanong ng isang babaeng kausap.
“Kabibili ko lang nito kahapon diyan sa Good Earth at bago pa ang Eveready battery nito,” agad na sagot ng pinagtanungan.
May naka-ulinig sa ‘di kalayuan at may otoridad na nagsabing, “nagdeklara si Marcos ngMartial Law kaya ang lahat ng istasyon ng radyo at telebisyon ay isinara!”
May mamang nakapolo barong sa unahan ng tatay ko ang bumulalas ng patanong sa mga nagsalita, “wala ring diario, ano?” At siya nama’y sinagot na para bang kakilala, “madaling arao pa rin wala ng diario maliban sa Daily Express.”
Ganun ang mga Pilipino, kapag may pangmalawakang nangyayari na makaaapekto sa kanilang buhay, isina-isantabi ang pagka-estranghero ng isat-isa at para bang matagal ng magkakakilala kung mag-usap sa guitna ng agam-agam.
Pagkatawid naming mag-ama sa overpass, may namataan ang aking amang iisang kopya ng Daily Express na hawak-hawak ng isang newsboy.
“Totoy,” ika ng Tatay ko, “bilhin ko yang Daily Express mo.” Beynte singko yata ang inabot ng Tatay ko sa halip na diyes sentimos na nagpa-aliwalas ng mukha ng batang magdidyaryo.
Ang Tanging Pahayagan noong Martial Law
Ang Tanging Pahayagan noong Martial Law
Martial Law na nga,” sambit ng tatay ko. Safront page naroon ang larawang sepia ni Marcos na nakaturo ang kanang kamay. Nakabandera ang headline na “Marcos declares Martial Law.”
Mula sa itaas ng overpass ay nakakita ako ng mga sundalong sakay ng mga military jeep na prenteng para bang itinalaga upang bantayan ang seguridad sa kahabaan ng Quezon Boulevard hanggang Plaza Miranda. May nakita akong isang sundalong agad na tumalon sa kanilang sinasakyang jeep at sinita ang isang lalaking naka-fatigue ang pantalon. Tinanong ang sinitang nangatal na agad namang naglabas ng ID.
Na-ulinigan kong pinagagalitan ng sundalo ang lalaki, “hindi ka naman pala military eh bakit ka naka-fatigue na pantalon?”
“Binili ko po ito sa surplus diyan sa ilalim ng tulay,” sagot ng tinanung. “Kung bawal po, hindi ko na po isusuot sa susunod,” dagdag niyang nagpapa-awa.
“OK,” agad na tugon ng sundalo, “huwag mo ng uulitin dahil military lang ang mag-susuot ng fatigue dahil Martial Law na. Naiintindihan mo? Baka gusto mong mastockade?”
“Opo, sir. Hindi po, sir,” sagot ng lalaki.
Pagdating naming mag-ama sa Avenida, marami ring nagkalat na mga unipormadong sundalo na armado ng Armalite.
“Naku,” bulalas ng isang manininda sa kanto ng Carriedo, “namumutol ng mahabang buhok yung Coronel. Sa akin pa bumili ng gunting na pang alambre!”
Ang mga nakarinig na mga kabataan sa mga iskinita ng Evangelista ay tumalilis ng takbong pa-uwi. Sumulyap ang tatay ko sa akin. Siguro’y naniniguro siyang maikli ang buhok ko. Nuon nama’y maikli talaga ang buhok ko dahil MS 22 na ako sa ROTC.
“Kailangan tapusin mo na ang ROTC mo,” may pag-aalinlangang sambit ng tatay ko. “Dahil Martial Law baka magkaroon ng compulsory draft sa mga kabataan,” paliwanag niya. “Mahirap ang 6 months military training, anak.”
Ramdam ko ang buntong hininga ng tatay ko dahil isang buwan Agosto, 1972 pa, marami ng balita ng Muslim Secessionist Movement sa Mindanao. Madugo na ang digmaan doon at marami ng sundalo ng pamahalaan ang namamatay. Katunayan, isa ito sa mga dahilan kung bakit karapatdapat na ideklara ang Martial Law ayon kay Marcos.
Marami ring kwento si Unto Odono na nagtatrabaho sa Nichols. “Naku, kadaming kabaong ang ibinababa sa mga C-130 galing ng Mindanao. Nalalabunusan tayo nina Misuari!” pagbabalita niya sa umpukan ni Kuya Adonis kapag pistang bayan ng Mahal na Santa Cruz sa Quezon, Quezon.
Sa guitna ng kapistahan, maraming sundalong armadong galing Calauag ang naglalakad at nagmamasid. ‘Di umano’y maraming NPA ang namataang tumawid galing Pangahoy patungong Sabang at Pambuhan-Villamanzano Norte sa Perez.
“Yung lider ng platoon na si Tenyente Aljambra ay bisita ni Meyor. Lasing na, ay. Nagpaputok ng 45,” bida ni Rosendo Panol.
Sa umpukan ay tahimik na umiinon ng San Miguel si Menandro at Nelson Sambajon.
Dalawang taong kong hindi namataan si Menandro sa kapistahan ng bayan sa Quezon, Quezon. Mga 1975 na ng mabalitaan ko kay Crisanto Tardecilla na pumasok na raw si Menandro sa military. Sa katunayan nga, nagbakasyon si Menandro sa bayan na naka uniporme at tangan ang isang M-16. Isang linggo yata ang ipinamalagui ni Menandro sa bayan. Gabi-gabi siya’y nagpapainom.
“San Miguel yan ha?” pagmamalaki ni Menandro..
Ganun sa Quezon, kapag beer ang iniinom, kargado ang nagpapa-inom. Kapag guintas ang lukad, tiaga sa lambanog binatad.
Kwento ni Menandro, “naipon ang sweldo ko noong nagtitraining ako sa Tanay.” Ibinalita rin niya na maraming mga taga Quezon ang nuon ay nagtitraining sa Tanay. Inisa-isa niya ang mga kababayang nakita niya duon, isa na rito ay si Nelson.
Ah si Nelson.
Matagal ding nawala sa bayan si Nelson. Nag-aalala ang kanyang inang si Nanang Belen.
“Sana nama’y laguing ligtas ang aking anak, Mahal na Poon,” madalas na sambit niya kapag kinukumusta ko ang aking kababatang si Nelson.
‘Di nala-unan, malamang mga 1985 na yaon, naka-usap ko si Nelson sa Semento. Naruruon pa rin ang kanyang ngiting permanente na yata. Madalas maisip ko paano kung makaharap ni Nelson ang isang rebeldeng Muslim o NPA at nakangiti si Nelson, magkakaputukan kaya? Kinumusta ko siya.
“O kumusta buhay? May pamilya ka na ba?” tanong ko. Ika niya’y, “ito buhay pa naman,” saba’y ngiting nakalabas ang kanyang prominenteng pangharap na ngipin. Kwento niya’y nagretiro na siya mula sa serbisyo.
“Mahirap ang buhay sundalo. Bihira kami sa kampo at madalas nasa malayong gubat at bundok ang patrolya,” patuloy niya.
“May engkwentro ba?” tanong ko.
“Wala naman,” ika niya. At inihabol, “nag-iiwasan din. Takot ding mamatay.”
Maraming siyang naratibo. Buhay ng sundalo sa panahon ng Martial Law.
“May mga araw na salat kami sa supply. Sa katotohanan, hanggang ngayon dala ko ang sakit na malaria na nakuha ko sa Samar. Wala kaming makain sa bundok. Kahit bulao or sisiw nga katalo na. Ni sardinas wala. Kanin pa kaya. Sa guitna ng arao at ulan, kanin ang nasa aming imahinasyon. Kahit bahao. Gulay ba kamo? Ubod ng puno ng saguing ang aming guinugulay. Nasanay na kami.”
Usap. Mahabang pag-uusap hanggang mapansin kong bumubulusok na sa Gumaca ang haring arao.
“Nakita mo ba sa bayan si Menandro?” tanong ni Nelson.
Oo nga? Bakit hindi ko man lamang natanong si Menandro habang kami’y matagal na nag-usap ni Nelson. Lumitaw sa aking memoria ang mukha ni Menandrong nagmamalaki sa hawak niyang nililok na Armalite sa lukaran ng Tabionan.
“Kumusta na si Menandro?”
“Iniuwi na. Hindi nakayanan ang karahasan sa Mindanao. May nagkwento na may naghuramentadong kasamahan niya sa serbisyo na pumatay ng opisyal nila at ilan sa kanyang mga kaibigan. Nasira na ang ulo ni Menandro.”
Dumating na ang serbis kung traysikel.
“Sakay na ho. Pinasusundo na kayo ni Biseng Awel,” sambit ng drayber.
Tumalikod na si Nelson.
“Magsasaing na,” pangiting sambit niya.
Humarurot ang traysikel pabayan. Dapit-hapon na ng makarating ako sa Barangay Uno sa kanto ng matandang bahay ng Arceo at dalawang palapag na gusali ng yumaong Nani Cocadiz. Kumanan kami patungong Municipio. May nabanaagan akong lalaking paroo’t-paritong may nakasakbat na ripleng kahoy na pisang ang puluhan. “Liko sa kaliwa, ‘ta! Kaliwa-Kanan….”
Muli, naririnig ko si Benildong umaawit, “ako’y isang kawal……”

No comments: