Saturday, February 16, 2013

stories in my head, part thirteen


Kuya Wayu at si Batch
GASGAS SA TUHOD
Alas siete ng umaga ng sabihin ni Patricia na tumuloy ako sa Filinvest-Alabang. Naruon daw sila ng kanyang kapatid na si Gino kasama ang kanyang maybahay na si Sugar at ang kanilang panganay na anak na si Mayo. Pumarada raw sila malapit sa Manong, ang dating Dencio’s.
Mula sa Putatan binagtas ko ang lumang Highway. Limampung taon na ang nakalipas, naaala ko na sa kalyeng ito kami bumabagtas ng aking ama paluwas ng Maynila patungong Quiapo kapag BLTB ang aming sinasakyan. Ngayon, masikip na ang lansangang ito.


Mula sa Katimugan, dikit dikit na ang mga subdivision. Kaya gan’un, 12M na ang populasyon ng Kalakhang Maynila. Gumagalaw naman ang traffic. Gan’un pa rin ang mga jeep, hari ng lansangan. Dahil sa kapal ng kanyang pagkakayari, kahit na anung brusko ng mga taxi at FX, hindi umubra sa naunang karapatang paghahari ng jeep.
Maingay sa Muntinlupa Road subali’t humanga ako sa kasalukuyang alkalde nito dahil sa kinis at ayos ng langsangang ito na 32 taon ko ng binabagtas: umaga, hapon at madaling araw mula ng dito ako manirahan simula pa noong 1980.
Kakaliwa na ako sa ilalim ng Alabang viaduct.
Ito ang bagong Quiapo ngayon,” sambit ko sa aking sarili. Dito nagsusugpong ang lahat ng biahe sa Katimugang Luzon at ipanamumudmod naman ng mga langsangang patungo sa Las Pinas, Makati, at Cavite.
Dahil araw ng linggo ngayon, napakaraming tao sa Alabang dahil pugad ito ng mga higanteng Mall na ipinauso ni Henry Sy.
Mahaba ang Old National Road. Habang naghihintay ako ng hudyat ng pagkaliwa sa ilalim ng viaduct, umarya ang aking memoria. Nabanaagan ko ang kahabaan ng kalye mula sa pantalan patungong municipio ng bayan ng Quezon sa Pulo ng Alabat.  Hindi ito kasing haba ng Old National Road ng Muntinglupa na kilometro ang kahabaan at mas ‘di hamak na malapad dahil kasya ang apat ng magkakadikit na trak o bus ang isang linya.
Iisang sasakyan ang kasya sa kalye ng pantalan pa-municipio. Dahil pulo ang bayan ng Quezon, dalawa lang ang jeep na bumibiahe patungong Alabat na pag-aari ni Biseng Tinoy. Dahil nga sa kipot ng mga lansangan sa bayan ng Quezon, ang dalawang jeep na ito’y bihirang pumasok ng kabayanan.
Sa Barangay 3 sila pumaparada upang maghintay ng pasahero. Paragos at kalabaw ang bumabagtas sa mga lansangan ng bayan kaya uk-uk ang guitna ng mga lansangang kinakayod ng mga paragos na puno ng puti mula sa linang.
Ang Camino Real naman ay aspaltado. Maliban dito, ang mga kalye ng Quezon o dating Barrio Silangan ng Gumaca ay buhangin ang nakapatong.
Dahil walang sasakyan, ang kalsada ng bayan ang aming palaruan. Tinatakbo ko ito mula sa kanto ng Yngente hanggang sa bodega ng Arceo. At babalik ako hanggang sa tapat ng bahay ng mga Cantara. Saulado ko ang lahat ng bahay dito, at mga bakanteng lote. Galugad ko ang simbahan upang manimot ng duhat ng mga Molina. Walang isang daang metro’y mararating ko ang Balite. Kapag bumalik ako’y sunson ko ang bahay ng mga Tiama hanggang dagat na tan-aw mula sa balkon ng Goreng. Sa pagkanan ko’y patungo na ako sa seawall at naruruon naman ang mga naglalakihang tahanan ng mga Lim, Oliveros, Calvelo at Marca. Kung babagtasin mo ito, sa dulo’y mararating mo ang terminal ng dalawang jeep ni Biseng Tinoy.
Pa-Alabat. Pa-Alabat, aalis na!” sigaw ng drayber.
Mula umaga hanggang tanghali kung kami nina Ding at Ansit ay maglaro. Walang puknat. Pagdating ng alas doseng katanghalian, nawawala ang mga tao sa bayan. Tirik na tirik ang araw. Oras ito ng pagtulog. Manakanaka ang tao. Bandang ala una, may lumilibot na nagtitinda ng tinapay na Everlasting.
Malaki at malapad ang balkon namin. Gawa ito sa yakal na hinapay at manumanong tinistis mula sa Panag-an. Katabi nito ang hagdang palibot ng balusterio. Madalas sabihin ng aking Tatay Onyo na ang aming balkon ang karaniwang pinamimintaanan ng mga Obispong panauhin ng aming Nunong Jacobo. Dito ako natutulog sa malapad na bangkuang na palibot ng naglalakihang unang gawa sa kapok. Sa katahimikan ng araw ng Tag-init, dumuduyan ang mga awiting galing sa programa ni Tia Dely. Mahimbing agad ang tulog ko paglapat ng aking likod sa makapal na bangkuang at sandayang unan.
Alas cuatro na ng hapon ang gising ko dahil maingay na si Ansit at nag-aakit  ng maglaro.
Halika na. Nakakuha na ako ng lata ng Darigold pang King Can!
Mabilis ang pagbaba ko patungong aseras sa silong ng bahay namin. Dito sumusugpong ang aspalto ng Camino Real. Sa aking pagmamadali karaniwa’y ako’y napapadapa o nadudulas dahil sa kinis ng aseras ni Nuno Jacobo. Pagbagsak ko’y gamit ang kamay o siko o tuhod bilang pananggalang sa magaspang na mukha ng aspalto. Tayo agad upang hindi mapagtawanan at makantiawang lampa. Takbo patungo sa kanto ng Yngente at tawid agad sa kanto ng Araya.
Hindi ko pansin ang mga gasgas ko sa siko at tuhod. Wala akong maramdamang kirot o hapdi. Tuloy ang takbo. Tuloy ang Bimbiw hanggang alas sais ng hapon hanggang marinig namin ang alingawngaw ng kampana ng ‘di kalayuang simbahan na humuhudyat ng Oracion.
Sumilbato na ang traffic aide. Nakaturo sa akin at sumesenyas na maari na akong kumaliwa patungong Filinvest. Sa dami ng sasakyang galing ng SLEx, matagal din akong nakatengga sa tapat ng palengke ng Muntinlupa. Dahan dahan akong umusad at nakaramdam ako ng pagkasabik na makita at makalaro ang apat na taong si Mayo. ‘Di nagtagal, narating ko ang Manong. Sa ‘di kalayuan nakaparada ang puting pick-up ni Gino. Tinabihan ko sa paradahan ang kanilang sasakyan. Bakante pa ang Filinvest. Aspaltado ang kabuuhan nito. Marami dito ang tumatakbo o nageehersisyo sa umaga. Wala halos sasakyan.
Sa batang katulad ni Mayo, ang lugar na ito’y isang paraiso. Mula sa kalayuan, naulinigan ko ang kanyang munting halakhak. Pagbungad ko sa isang tagong kantong maraming puno ng Acacia, nakita ko si Mayong sakay ng isang bisekleta.
Grampa! Look!,” sambit niya.
Mabilis ang dating niya dahil may anggulong pababa ang kalyeng pinanggalingan niya. Mabilis akong humanda at baka mawala sa balanse ang aking apong nagpapasikat sa kanyang lolo. Nasalo ko naman, sa kabutihang palad, at sabay kaming humalakhak. Ang mga tuhod niya’y dumikit sa aking taguiliran at napansin kong may kaunting dugo ang aking T-Shirt. Bumaling ako sa kanyang ama at may pag-aalala sa aking tinig.
“Gino…may gasgas sa tuhod si Mayo…”

No comments: