Madalas sabihin ito ang aking Inang Matanda kapag may paglalarawang may katangian sa isang hayop ang taong paksa ng kanilang usapan. ‘Ika niya, “tabi naman sa kaluluwa, ay kung makatingin ay parang alimuranin….tabi sa kaluluwa, ay pasal na pasal na parang bulao na hindi nabahugan ng ilang arao…tabi sa kaluluwa’y kung lumambitin parang bulog sa baguin”
Marahil sa sina-unang pananaw, ang kaluluwa at pisikal na katawan ay magkahiwalay at kung ano man ang sala ng katawan ay walang kinalaman ang kaluluwa. O ma-aaring sumbatan man ang may katawan, ang husga sa kaluluwa ay hindi dapat paki-alaman dahil sa paniniwala’y may sariling hukuman ito.
Si Mayor Terio Lim ng bayan ng Quezon sa Islang Alabat ay ilang beses ding nanalo at natalo sa larangan ng lokal na pulitika. Dahil sa siya’y dito ipinanganak at nagka-asawa ng tunay na Filipina, ang kulturang kanyang kinaguisnan ay kung ano ang atin namang nakagawian. Walang kiwal ang kanyang pananagalog, katulad ng namayapang Mayor Siote Lim ng Calauag. Sina Mayor Terio at Mayor Siote na parehong mga anak ng mga magulang na banyagang Intsik ay matatas at malawak ang hablot sa wikang kanilang kinamulatan. At puntong kaagapay sa pagmumutawi nito.
Sa isang pagkakataong nagtalumpati si Siote sa isang malayong barangay sa Upper Calauag, doon ko narinig sa kanya kung ano ang kolukasyon ni Hesus na sa halip na larawanin niyang isang karpentero, sinabi niyang ang huli ay isang anluwagui. Sa kaso naman ni Terio, na matatas managalog, hindi siya ang naringgan ko ng tanging pananalitang hinuhugot sa ating psyche kundi mula sa kanyang inang purong Intsik. (Sa katunayan, ang isang anak ni Mayor Terio na si Noe ay tinaguriang Puro dahil purong Intsik ang kanyang panlabas na kaanyuan, subalit sa pananalita’y tunay namang taga Pulo).
Katatalo pa lang noon ni Terio bilang kandidatong Panglawang Punong Bayan ng magpahayag ng pagkapikon ang kanyang matanda sa mga hindi nagtaguyod sa kanyang anak: “ dito na kain, dito na inom (ng lambanog), dito na tulok, dito pa tae, ‘di naman buto Telio!” Ang pangungusap na ito’y salitain na sa Pulo ng Quezon. Inuulit-ulit ito ng namayapang Mayor Ramoning Oliveros nang madatnan niya si Layme Camitan na umaakyat sa kanyang bahay matapos gapiin ni Mayor Terio si Saysay Oliveros (na naging alkalde naman ‘di naglaon) noong halalang 1980. Nag-akala ang Layme na siya’y patatagayin sa harapan ng mga nagtaguyod kay Saysay noong umagang katatapos pa lang ang halalan at alam na ang kinahinatnan. Dahil magkatapatan lamang ang bahay ng Ramoning at Terio, kita ng una kung sinu-sino ang mga umaakyat sa bahay ng huli. ‘Ika ng Ramoning, “anu ang guinagawa mo dito? ‘Kita kita sa kabila, d’un ka na kain, d’un ka na tulok, d’un ka pa tae, tapos gusto mo dito ka inom? Hala lumayas ka!” Tabi sa kaluluwa’y bahag ang buntot na bumabang patalilis ang pinagsabihan.
Palagay ko’y humahagod ng palimampong taon na ang insidenteng ito subalit ganito pa rin ang ating nasasaksihan hindi lang dito sa ating lalawigan kundi sa buong bansa.
Madalas nating masaksihan ang pag-aasal hayop ng karaniwang naghihirap nating mamayan. Wala naman tayong sinisisi dahil ang sistema ay ibinabaon ng sistema. Sa loob ng isang tao’y sinasalasa tayo ng hagupit ang bagyo. Kada tatlong taon nama’y hinaharana tayo ng mga kandidatong miembro ng iisang pamilya. Ilang beses nating nakikita ang pag-aagawan ng libong mga sinalanta sa katiting na pamatid gutom na relief goods. Parang pasal ‘ika ng matatanda, nag-aagawan naghahablutan tabi sa kaluluwa’y parang mga daga. Kapag halalan nama’y pamumudmod ng premio ng mga miembro ng dinastiyang hungkag ang mga talumpati. Tabi sa kaluluwa’y mga pasal sa bahog ang ating mahihirap na manghahalal. Ganitong panahon nga lamang sila binigbigyan ng halaga ng mga isimo’y monarkiang inihalal. Pamimili ng boto ay bahagui ng kultura sa eleksiyon. Samakat’wid, wala na ang linaw ng budhi sa pagpili ng pinunong hahawak sa buwis ng madla. Subali’t huwag tayong mawalan ng pag-asa. Maaring sa loob ng isang daang tao’y may batas ding papandayin upang hubuguin ang ganitong kinaguisnan natin. Isa sa yaman naman natin ay ang walang katapusang panahon sa ating mga kamay. Manalangin kata sa Bathala ng Kasaysayan.
Naringgan ko si Abogadong Rodel Ambas ng Atimonan ng isang pagkukwento niya tungkol sa mga gurong bumisita sa Unisan sa paanyaya ‘di umano ni Kgg. Danilo Suarez, deputado ng ikatlong distrito ng lalawigan. ‘Ika ng gurong kausap, “kami’y sumakay sa 3 coaster, sinalubong ng mag-asawa, pinakain at niregaluhan.” Sagot ni Abogado Rodel, “hindi kayo pinasakay, kayo’y hinakot. Hindi kayo pinakain, kayo’y binahugan. At lalong hindi kayo niregaluhan, kayo’y sinuhulan.”
Medyo ako’y napaigkas sapagka’t matuwid ang kanyang paglalarawang may paghahambing sa isang hayop dahil ang salitang bahog ay itinatangi lamang para sa pagpapakain sa baboy.
Mga guro pa naman ang kanyang pinapaksa. Hindi man lamang niya guinamit ang ‘tabi sa kaluluwa’. Parang naririnig ko ang aking Inang Matandang tumututol sa gayat ng usapang ito.
No comments:
Post a Comment